Si Muhammad (sumakanya nawa
ang kapayapaan) ay isinilang sa Lungsod ng Makkah (o
Bacca sa Bibliya) isang kilalang lungsod ng Saudi Arabia
sa kasalukuyan. Siya ay isang tao na pinili ng Allah
bilang huwaran ng sangkatauhan. Siya ang panghuling Sugo
at Propeta ng Allah at ang kanyang mensahe ay para sa
lahat ng tao.
Ang pagitan nina Propeta
Muhammad at Propeta Hesus (sumakanila nawa ang
kapayapaan) ay humigit kumulang sa 570 taon. Sa
katunayan, si Propeta Hesus at Propeta Muhammad ay iisa
ang pinagmulan. Ito ay si Propeta Abraham (s.n.a.k.) ang
tinaguriang – Ama ng Mananampalataya. Si Propeta Hesus
ay nanggaling sa lahi ni Propeta Isaac (s.n.a.k.) at si
Propeta Muhammad naman ay sa lahi ni Propeta Ismael (s.n.a.k.).
Si Propeta Muhammad (s.n.a.k.)
ay hindi marunong sumulat at bumasa. Siya ay kilala
bilang isang mabait at mapagkakatiwalaang tao sa kanyang
pook sa Makkah. Kaya naman siya ay tinaguriang “ Al
Amin ”, Ang Mapagkakatiwalaan.
Noong siya ay apatnapung
taong gulang, siya ay hinirang ng Allah bilang
panghuling Propeta. At dito rin nagsimulang ipahayag sa
kanya ang huling kapahayagan o rebelasyon ng Allah –
ang Banal na Qur’an. Si Propeta Muhammad (s.n.a.k.) ay
namatay sa gulang na animnapu’t-tatlo. Siya ay
inilibing sa Madina, na ngayon ay isang lungsod ng Saudi
Arabia.
* (s.n.a.k. – sumakanya
nawa ang kapayapaan)